Puntirya ni Gomezian na sumikwat ng panibagong titulo pagsalang nito sa 2021 PHILRACOM "3rd Leg Juvenile Stakes Race na ilalarga ngayong araw ng Sabado sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Anak nina Sakima out at Hot Yoga, nasilo ng chestnut filly, Gomezian ang panalo sa first leg pero sa second leg ay nabigo siya kay Radio Bell.
Apat ang kalahok sa event na may distansyang 1,600 meter race, makakalaban ni Gomezian sina Roaring Kanyon, Bocaue Rivertown at Basheirrou.
Hindi kasali si Radio Bell kaya walang paghihiganti ang magaganap sa karera na inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Ayon sa mga karerista, mas maganda sana kung kasali si Radio Bell pero tinitiyak naman nila na magandang laban ang kanilang masisilayan dahil mga tigasing kabayo din ang mga makakalaban ni Gomezian.
"Magandang laban pa rin 'yan, malaki rin ang tsansang manalo ni Basheirrou," saad ni Rolly Martirez, karerista.
Rerendahan ni class A rider OP Cortez, target ni Gomezian na makopo ang premyong P600,000, may kukubrahin ang second placer na P225,000 habang tig P125,000 at P50,000 ang third at fourth ayon sa pagkakasunod.