ANTIPOLO — Nasilat ng Far Eastern University ang league leader National University, 47-44, Linggo sa UAAP Season 85 Men’s Basketball Tournament, dito sa Ynares Sports Center.
Ungos ng isa 36-35 sa kortesiya ng tres ni Bryan Sajonia may 7:20 pa sa laro, nasilip ng Tamaraws ang paglayo sa pamamagitan ng panibagong basket ni Sajonia mula sa agaw ni LJ Gonzales para mas umangat, 45-40 may 2:31 ang nalalabi sa laro.
Nagawang mailapit ni NU center Omar John ang kalamangan sa 44-45 may 1:25 pa pero nagawang mag-drive ni Gonzales may 17.6 seconds sa laro na nagbigay sa FEU ng tatlong puntos na bentahe.
Sa papaupos na sandali, tinangka ni rookie Kean Baclaan na maitabla ang laban malapit sa halfcourt, tikatik sa 4 segundo sa orasan. Mintis ang tira para sa tuluyang siguruhin ng FEU ang panalo.
“It was a defensive game,” sambit FEU coach Olsen Racela. “We needed their defensive mindset going into this game against NU. Pababaan ng score ang nangyari ngayon but our defense gave us the chance in this game.
“I’m just proud of the way they played. (It was a) total team effort not just from LJ but lahat ng ginamit ko," aniya pa.
Pinangunahan ni Sajonia ang Tamaraws sa pagsuwag ng 12 points habang si Gonzales ay may siyam na puntos, limang rebounds, tatlong assists, at dalawang steals.
Sa naturang resulta ang FEU ngayon ay nasa pampitong puwesto lista ang 2-5 record sa pagtapos ng unang round habang dumaudos ang NU sa third place na may 5-2 record. (Louis Pangilinan/ UAAP)
Iskor:
FEU (47) - Sajonia 12, Gonzales 9, Bautista 9, Tchuente 6, Torres 6, Anonuevo 5, Alforque 0, Tempra 0, Bagunu 0, Sleat 0, Celzo 0, Sandagon 0.
NU (44) - John 9, Clemente 8, Figueroa 8, Baclaan 6, Manansala 5, Malonzo 4, Minerva 3, Enriquez 1, Galinato 0, Yu 0, Mahinay 0, Tibayan 0, Padrones 0.
Quarters: 12-16, 22-26, 31-33, 47-44.